CAMP RUPERTO KANGLEON, Palo, Leyte – Pinatanggal sa puwesto ang police chief ng bayan ng Hilongos, Leyte, kung saan 34 katao ang nasugatan sa isang pagsabog sa plaza nito noong Disyembre 28.
Sinabi kahapon ng tumatayong pinuno ng Police Regional Office 8 na Chief Supt. Elmer C. Beltejar na sinibak si Chief Inspector Alberto Renomeron Jr. dahil sa pagkabigong makakalap ng intelligence report na may nagpaplanong bombahin ang plaza kung saan may ginaganap na torneo ng boksing na kasama sa selebrasyon ng pista sa bayan.
Hindi rin naglagay ng sapat na seguridad si Renomeron sa plaza, dagdag ni Beltejar.
Nasa floating status si Renomeron sa Leyte Police Provincial Office sa San Jose, Tacloban City, and pinalitan ni Chief Inspector Ronald Espina.
Ayon kay Beltejar, tatlong kahinahinalang lalaki ang nakunan ng security camera sa Plaza Rizal na umalis ilang minuto bago sumabog ang isang bomba.
Sinabi niya na malaking tulong ang footage mula security camera sa pagkilala sa mga sangkot sa pambobomba.
Nakakuha rin ang pulisya ng mga piraso ng mortar sa pinangyarihan ng pagsabog.
Nang dalawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nasugatan sa pagsabog sa Hilongos noong Disyembre 30, inatasan niya ang pulisya na madaliin ang pagkilala ng mga suspek at ang pagdakip sa kanila. (Nestor L. Abrematea)