Sinampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Child Abuse Law sa Pasay City Prosecutor’s Office ang isang Hapon na unang inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 dahil sa umano’y pambabatok sa isang 11-anyos, nitong Huwebes ng gabi.

Kasalukuyang nakakulong sa Airport Police Investigation and Detective Service Office si Koichi Kuroda, 50, negosyante at sinasabing may-ari ng malaking manufacturing company sa Dasmariñas, Cavite.

Ayon sa ulat, Huwebes ng gabi nang dumating si Kuroda sa NAIA Terminal 1 sakay sa Japan Airlines flight JAL 745 galing Japan.

Habang hinihintay ng bata at ng kanyang ama ang kanilang bagahe sa baggage conveyor area ng paliparan, bigla umanong binatukan ni Kuroda ang biktima sa hindi mabatid na dahilan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Agad itong ipinaalam ng tatay ng biktima sa airport police officers na sina Ric Ongtawco at Danilo Sanchez na naging dahilan ng pagkakaaresto ng suspek.

Dahil sa maagap na pagresponde ng mga pulis, naiwasan ang pambubugbog kay Kuroda na umano’y nagyabang pa sa pagiging mayaman at maimpluwensiyang tao.

Nakipagtalo rin umano si Kuroda sa immigration officers subalit pinayagan pa rin makapasok matapos niyang ipakita ang isang valid business visa. (Bella Gamotea)