Binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Mindanao na posibleng maging ganap na bagyo sa loob ng 24 hanggang 48 oras.
Sa weather advisory ng PAGASA, kapag tuluyang nabuo bilang tropical cyclone, ito ang magiging unang bagyo sa Pilipinas ngayong 2017 at papangalanang “Auring”
Huling namataan ang LPA sa layong 430 kilometro sa Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Nilinawag ng PAGASA, unti-unti nang nag-iipon ng lakas ang LPA na inaasahang magdadala ng pag-ulan sa mga rehiyon ng Caraga (Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte at Agusan del Sur), Davao at SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City).
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng idulot nito na flashflood at landslide sa mga tinukoy na lugar, lalo na silangang bahagi ng Visayas. (ROMMEL P. TABBAD)