Naaagnas na ang isang lalaki nang matagpuan sa loob ng isang sasakyan sa Sampaloc, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Vincent Ibana, 46, walang permanenteng tirahan at umano’y palaboy sa lugar.

Sa imbestigasyon ni PO2 Jonathan Ruiz, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), bandang 11:30 ng umaga nadiskubre ang naaagnas na biktima sa loob ng isang galvanized Fierra (XDK-430), na nakaparada sa harap ng bahay na matatagpuan sa 1953-B, Craig Street, sa Sampaloc.

Ayon kay Allan Mendoza, isang auto-mechanic, binubusisi niya ang nakaparadang Fierra nang makaamoy ng masangsang na nagmumula sa loob ng sasakyan.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Nang buksan niya ang nasabing sasakyan, dito na bumulaga ang bangkay at agad ini-report sa barangay officials.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)