Dalawang lalaki, isa sa kanila ay senior citizen, ang napatay matapos umanong manlaban sa drug operation sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Dahil sa mga tinamong bala sa katawan, dead on the spot sina Benedicto Anas, 60; alyas “Jay”, nasa hustong gulang, kapwa residente ng BMBA Compound, Barangay 120, ng nasabing lungsod.

Ayon sa report, bandang 3:00 ng madaling araw nagsagawa ng drug operation ang mga tauhan ng Caloocan PNP sa lugar ng mga napatay.

Binaril umano ng mga suspek ang mga pulis nang maispatan sila ng mga ito dahilan upang pagbabarilin sila ng mga pulis na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Guanzon, overtime sa speech sa COC filing; Comelec humingi ng paumanhin

Narekober sa mga suspek ang isang sumpak at drug paraphernalia.

Galit na galit naman si Benso Anas, anak ni Benedicto, sa sinapit ng ama.

“Paanong makakapanlaban ang tatay ko eh buto’t balat na. Hindi na niya kayang kalabitin ang sinasabi nilang sumpak na kanyang dala,” ani Benso.

Ayon kay Benso, matagal nang tumigil sa paggamit ng shabu ang kanyang ama dahil may sakit na ito sa baga.

(Orly L. Barcala)