MUKHANG hindi basta-basta matatapos ang isyu sa pelikulang Oro na tinanggal na sa mga sinehan kahit extended pa ang showing ng ibang entries sa 42nd Metro Manila Film Festival (MMFF) until Saturday, Januay 7.
Hindi umaamin at nagmamatigas ang director at producer at iba pang involved sa production, pero may ilan na silang nakasama sa production na naglalabas ng detalye tungkol sa totoong nangyari sa pamamagitan ng kanilang Facebook accounts. May isa ngang nagpa-inteview pa on national television, si Japo Parcero, na kasali sa movie at isa ring filmmaker, at nagsabi na hindi lang isa kundi dalawang aso ang namatay sa shooting ng pelikula na idinirehe ni Alfred Yapan.
Iyong unang aso raw na binili ng production sa may-ari, sa excitement na mai-deliver ang aso at makuha ang bayad, isinilid ito sa sako at hindi sinasadyang namatay by suffocation.
Ikinuwento rin niya na umiyak siya nang mapanood niya ang movie, dahil sa pagkamatay ng aso at sa pagkamatay ng mga minero sa lugar. Hinihikayat niya ang iba pang involved sa production na lumabas at sabihin na rin ang katotohanan.
Ito raw ang panahon para tumayo sila at huwag manahinik dahil alam nila ang totoo.
Dagdag pa niya: “Asan na po ang mga dila ninyo?” tulad ng dialogue sa movie.
May mga humahamon sa producer at director ng Oro na ilabas ang rough copy ng nasabing eksena para malinawan ang issue. Puwede raw naman talagang ipakitang may ganoong eksena pero gumamit na lamang sana ng visual effects o dinaan sa editing.
Sayang at ngayon lang gustong manood ng Oro ang mga tao, na-curious na makita kung paano nga ginawa ang eksena, kung kailan tinanggal na sa mga sinehan. Maganda ang movie, maayos ang direction, mahuhusay ang mga artistang gumanap, at ipalalabas lamang ito muli kapag naayos na ang issue at napalitaw na ang totoo, sa desisyon siyempre ng MMFF at MTRCB. (NORA CALDERON)