MANATILI sa liderato ang puntirya ng defending champion San Miguel Beer sa kanilang pagsalang sa tampok na laro ngayong gabi kontra Blackwater sa OPPO-PBA Philippine Cup sa MOA Arena sa Pasay City.
Inaasahang mas matindi ang bakbakan ngayon dahil sa paghahangad na makaposisyon sa playoff round kung saan may nakalaang insentibo ang dalawang mangungunang koponan.
Taglay ang barahang 5-1, angat ang Beermen ng isang laro sa pumapangalawang Rain or Shine at Talk ‘N Text.
Nakatakda ang laro ng Beermen at Elite ganap na 7:30 ng gabi.
Batay sa format ng torneo, ang top 2 teams sa pagtatapos ng elims ay haharapin ang no.8 at no.7 teams sa quarterfinals kung saan may bentahe silang twice-to-beat patungo sa semis.
Magkakasubukan naman ang Globalport Batang Pier at Meralco Bolts sa 4:15 ng hapon. (Marivic Awitan)