awra-vice-coco-at-onyok-copy

NAGBUBUNYI ang buong cast ng Super Parental Guardians sa kinikita ng kanilang pelikula na umabot na sa P590.1M worldwide. Konting tumbling na lang, P600M na! Kaya abut-abot ang pasalamat nina Vice Ganda at Coco Martin sa lahat ng sumuporta sa pelikula nila na nalampasan na ang P550M na kinita ng Beauty and The Bestie noong 2015.

Susme, mas malaki pa ang kinita ng Super Parental Guardians kaysa sa total gross revenue ng walong pelikulang kasali sa 2016 Metro Manila Film Festival na umabot lang sa P259M, as of December 29, 2017.

Parang magkakatotoo yata ang forecast namin kamakailan na baka P500M lang ang gross dahil hindi nakasama ang mga pelikula ng mga artistang may malakas na hatak tuwing MMFF.

Trending

'Congrats, Engr. (Andres)³!' Pangalan ng board exam passer, kinaaliwan

Imposibleng maabot ang P1.5B na target ng bagong pamunuan ng MMDA at MMFF. Kaabang-abang kung pag-iisipan nilang ibalik ang dating nakasanayan na sa 2017 MMFF o kung paninindigan pa rin nila ang sinasabi nilang ‘malaking pagbabago.’

Kung magpapatuloy ang nangyayari ito sa ilalim ng Duterte administration, tiyak na maraming beneficiaries ng MMFF ang magsa-suffer.

Samantala, as of January 3 ay marami pa rin ang nanonood sa mga pelikulang Vince & Kath & James, Die Beautiful, Seklusyon, Septic Tank 2, Sunday Beauty Queen at Saving Sally. Sad to say, iilan lang ang pumapasok sa Kabisera.

Speaking of Sunday Beauty Queen, hindi kami mahihiyang aminin na nangingilid ang luha namin habang pinapanood ito.

Dahil hindi man kami ang direktang nagtatrabaho sa ibang bansa ay tatlo ang kapatid naming OFW, bukod pa ang maraming pinsan at mga tito, tita at mga kaibigan.

Hindi man katulad ng trabaho nila ang linya ng ginagawa ng mga “bida” sa Sunday Beauty Queens ay iisa pa rin ang nararandaman nilang lungkot sa pagkakalayo sa pamilya rito sa Pilipinas. At higit sa lahat, mahirap magtrabaho sa ibang bansa, ‘no, hindi puwede ang pakape-kape lang o pakikipagkuwentuhan ng ilang oras sa paboritong coffee shop.

(REGGEE BONOAN)