SA pagpasok ng Bagong Taon, hindi humuhupa at tila lalo pang umigting ang panawagan ng isang mapagmalasakit na grupo laban sa walang habas na paninigarilyo at pagkagumon sa bawal na gamot at iba pang mapanganib na bisyo. Ang naturang grupo na binubuo ng mga doktor, lider-sibiko at karaniwang mamamayan ay determinado sa pagpuksa ng hindi kanais-nais na gawain na nagpapasama sa lipunan.

Mawalang-galang na sa nasabing grupo, subalit kailanman ay hindi nagbabago ang aking paniniwala na ang gayong mga pagsisikap ay laging nakaangkla sa pagpapasiya ng mismong mga nagpapasugapa sa kasumpa-sumpang mga bisyo. Naniniwala ako na ang personal na gawain ng sinuman ay hindi dapat panghimasukan ng sinuman; marapat lamang silang pagpayuhan o paalalahanan ngunit hindi dapat utusan.

Ang ganitong pananaw ay hindi nangangahulugan ng pagkatig sa pagsusulong sa paninigarilyo at pagkalulong sa droga; simula pa sa pagsilang ay hindi ako natukso sa naturang mga bisyo.

Katakut-takot nang mga estratehiya ang inilatag ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Health (DoH), Philippine National Police (PNP) at iba pang civic groups, upang malipol ang nabanggit na bisyo. Tinaasan ang sin taxes na kinabibilangan nga ng pagpapataw ng malaking buwis sa sigarilyo at iba pang produkto, tulad ng alak. Iniutos na rin ang pagpapatupad ng Graphic Health Warning (GHW) hinggil sa paglilimbag sa mga kaha ng sigarilyo ng nakakikilabot na larawan ng mga sakit na likha ng paninigarilyo – tulad ng cancer at iba pang sakit.

Pinatutunayan ng personal na obserbasyon na ang naturang nakasisindak na babala ay tila tinatawanan lamang ng mga sugapa sa paninigarilyo. Hindi alintana ang mapanganib na karamdaman na maaaring dumapo sa kanila, basta masunod lamang ang kanilang bisyo; tila wala ring epekto ang patunay na umaabot sa anim na milyon ang namamatay taun-taon dahil sa naturang sakit. At pabirong nawiwika ng ilan: Mamatay sa sarap.

Gayundin ang napapansin kong pangangatwiran ng mga nalululong sa bawal na gamot. Isipin na lamang na umaabot na sa mahigit isang milyon ang sumukong user, pusher at drug lord, subalit tila hindi nababawasan at naglipana pa rin...

ang sugapa sa nasabing bisyo. Ang mga sumusuko ay walang kadalaan at bumabalik pagkatapos sumuko. Bunga nito, libu-libo sa kanila ang napapatay dahil sa sinasabing paglaban sa mga alagad ng batas, kaugnay ng ‘Oplan Tokhang’.

Anupa’t ang pag-iwas sa anumang bisyo at masasamang gawain ay nakasalalay sa pasya ng mismong may mga bisyo.

(Celo Lagmay)