pocari1-copy

Kung sa iba ay itinuturing na malas ang numero 13, naging masuwerte naman ito para sa Shakey’s V League sa nakalipas nitong ika-13 taon nito.

Malaking bilang ng mga manunood, mataas na television rating, dalawang beses na pagkakampeon ng Pocari Sweat at muling pagkakampeon ng National University sa Collegiate Conference ang nagsilbing highlights ng matagumpay na Shakey’s V League Season 13.

Bukod dito, marami ring bagong kaganapan na nangyari bukod sa ilang pagbabalik gaya ng paglalaro ni Iriga City Mayor Madeleine Alfelor-Gazmen sa Open Conference at ang muling pagsali ng Baguio Summer Spikers makaraan ang isang taong pagpapahinga.

Trending

Estudyante sa Thailand, naipit ulo sa railings kasusulyap kay 'Crush'

Nagdaos din ang liga na siyang nagpasimula ng muling pagbuhay sa larong volleyball sa bansa ng fans’ day bago simulan ang season kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga volleyball fans na makahalubilo at makalaro ang mga paborito nilang players.

Idinaos din ng liga ang isang All-Star Game kung saan ang kinita na umabot ng P200,000 ay ibinigay sa nasalanta ng bagyong Lawin.

Layunin din nito ang suklian ang suportamg ibinibigay ng mga fans sa liga.

Pinangunahan nina Michelle Gumabao, Melissa Gohing, Myla Pablo at Desiree Dadang, inangkin ng Pocari Sweat sa una nilang pagsali sa liga ang Open Conference title matapos gapiin ang Air Force Lady Jet Spikers sa finals bago isinara ang season sa muling pag-angkin sa Reinforced crown kung saan tinalo nila ang Bureau of Customs.

Pinangunahan ng mga import na sina Andrea Kacsits at Breanna Mackie, winalis ng Lady Warriors ang Transformers na pinangungunahan ni Alyssa Valdez.

Ipinakita naman ng Lady Bulldogs ang kanilang kahandaang sumalang at makipagdikdikan sa darating na UAAP matapos gapiin ang Ateneo Lady Eagles sa finals ng mid-season Collegiate Conference.

Nanguna sa nasabing panalo ang MVP na si Jaja Santiago at dating utility spiker na ginawang setter na si Jasmine Nabor. (Marivic Awitan)