SA iniibig nating Pilipinas, isa nang tradisyon na nag-ugat na sa kultura nating mga Pilipino na salubungin ang Bagong Taon na maingay. Maraming paraan ang ginagawa sa pagsalubong. May sa pagpapaputok ng iba’t ibang uri ng pyrotechnic tulad ng trianggulo, bawang, plapla, lusis, kuwitis, Judas belt, goodbye Philippines at iba pang malalakas, nakabibingi at makatanggal-tutule sa tenga. Kapag hindi naging maingat, nagreresulta sa aksidente. May nalalapnos ang mukha, nagmistulang tocino at longganisa ang mga naputukang mga daliri. May tuluyang pinutol na ang daliri sa kanan at kaliwang kamay. Hindi na maaawit pa ang, “I have two hands, the left and the right, so clean and bright”. Isusumpa na ng biktima ang pagbili ng paputok at ang pagpapaputok tuwing Bagong Taon. Ang pinakamasaklap, may namamatay din dahil sa tama ng stray bullet o ligaw na bala na kagagawan ng mga tarantadong sibilyan, pulis at sundalong matitigas ang ulo at mga pasaway.

Sisibakin sa tungkulin ang mga gago at tarantadong pulis na nagpaputok ng baril sa Bagong Taon, katigasan ng ulo ang nangingibabaw at umiiral sa mga pasaway na pulis at sundalo. Wala silang pakialam sa buhay na nautas dahil sa stray bullet o ligaw na bala mula sa baril na kanilang pinaputok.

Sa nakalipas na mga taon, ang dulo ng baril ng mga pulis at sundalo ay siniselyuhan ng masking tape upang madaling malaman at mahuli ang mga pulis na nagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon, Ngunit walang epekto ang nasabing sistema sapagkat may mga pulis pa ring pasaway, lalo na kapag nalasing na sa pag-inom ng alak. Napunta na sa talampakan ang katinuan. Naghamon na rin ng barilan at suntukan. Kapag inireklamo, dinakip at namahay na sa kulungan at sinampahan na ng kasong summary dismissal, abot-langit ang pagsisisi at tila maamong tupa.

Gawain na ng mga taga-Department of Health (DoH) ang maglunsad ng iba’t ibang kampanya kontra paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Mababanggit na halimbawa ang Oplan ‘Iwas-Paputok, Gumamit na lamang ng Torotot’. Natatandaan pa ng inyong lingkod na si DoH Asec. Eric Tayag ay todo-sayaw at paghihip-torotot sa kampanya noon kontra paputok sa mga paaralan at ibang lugar na kanilang napuntahan. May nagbiro pa nga na mabuti raw at hindi nagkaluslos si Tayag sa pagtotorotot. Maging ang PNP ay todo kampanya rin kontra paputok. Ngunit kahit mahigpit ang kampanya, hindi rin maiwasan at mapigil ang magpaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Isang tradisyong hindi mabago kahit may nalalapnos ang mukha, napuputulan ng mga daliri at kamay. At may natotodas sa ligaw na bala. Ang slogan naman nitong 2016 ay ‘Iwas-Paputok, Fireworks Display ang Patok’. Ang bilang ng mga naging biktima ng paputok ang magsasabi kung naging epektibo ang kampanya ng DoH at PNP.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Ang Bagong Taon ay isa sa mga okasyon at pagdiriwang na hinihintay ng ating mga kababayan. Pinaghahandaan tulad ng ginagawang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Ang pagkakaiba lamang ay sinasalubong ang Bagong Taon ng pag-iingay.

Sa ibang bayan sa mga lalawigan, hindi paputok ang ginagamit sa pag-iingay sa pagsalubong sa Bagong Taon, kundi ang pagpalo sa takip ng kaldero, batya, lata, paghihip ng mga torotot, malakas na radyo, tugtugan at paghila ng mga sirang lata sa tricycle o jeep. May paniwala ang mga Pilipino na ang pag-iingay sa pagpasok ng Bagong Taon ay nagtataboy ng malas na kasama sa pag-alis ng papatapos na taon at pagsalubong naman sa panibagong taon.

(Clemen Bautista)