Sugatan ang ilang deboto ng Poong Nazareno makaraang mahulog sa gutter ang karo nito habang sugatan din ang isa pa matapos kuyugin ng mga kapwa deboto sa thanksgiving procession sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nabatid na dakong 2:22 ng umaga inilabas sa Quiapo Church ang Poong Nazareno at sinimulan ang prusisyon ng pasasalamat na dinaluhan ng 5,000 deboto.
Pagsapit sa Claro M. Recto Avenue ay pansamantalang naantala ang prusisyon nang mahulog sa gutter ang isang gulong ng karo na naging sanhi ng pagkakasugat at pagkakaipit ng ilang deboto.
Nalamog naman si Jonathan Macaraig matapos kuyugin ng kapwa niya mga deboto dahil sa pagtutulakan na nauwi sa pikunan habang isinasagawa ang prusisyon.
Pumutok ang labi, nagtamo ng sugat sa ulo, at sumakit ang iba’t ibang bahagi ng katawan ni Macaraig nang pagsusuntukin ng mga deboto.
Ayon sa mga saksi, nagsimula ang pambubugbog kay Macaraig matapos magkatulakan ang mga deboto habang nasa tapat ng University of the East sa Recto ang karo ng Poong Nazareno.
Napagkamalan umano ng isang grupo ng mga lalaki na si Macaraig ang isa sa nagpasimuno ng tulakan kaya ginulpi ito.
Nagpatulong si Macaraig at ang iba pa niyang kasamahan sa mga nakabantay na pulis para hanapin at hulihin ang mga debotong nanakit sa kanya.
Walong oras nagtagal ang prusisyon bago tuluyang naibalik ang imahen ng Poong Nazareno sa Quiapo Church.
(MARY ANN SANTIAGO)