Umaasa ang isang paring Katoliko na matutuldukan na ang extrajudicial killings (EJK), na sinasabing epekto ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga, ngayong 2017.
“No more EJK due to anti-drug campaign,” sinabi ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes sa isang panayam.
Sa simula pa man ng kabi-kabilang patayan noong Hulyo ay nagpahayag na ng pagkabahala ang Simbahan sa sunud-sunod na extrajudicial killings sa bansa.
Umaasa rin si Bastes na hindi maibabalik ang parusang kamatayan sa bansa, lalo na dahil ipagpapatuloy ng mga mambabatas ang talakayan tungkol sa usapin ngayong taon.
Nananalangin din ang pari na hindi na matuloy ang plano ng Department of Health na mamahagi ng mga condom sa mga eskuwelahan at umaasa ring hindi apurahin ang balak na amyendahan ang Konstitusyon.
“No railroading of the planned Constitutional amendment, no immoral distribution of condoms to students and the general population,” sabi ni Bastes.
Sa kanyang panig, hinihiling naman ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ngayong Bagong Taon na mapalaya ang bansa sa ilegal na droga at magsipagsisi at magbagong-buhay na ang mga drug lord.
Bukod sa pagpapalaya ng bansa sa droga, hiling din ng pari ang mga sumusunod: na mamayani ang pagpapatupad ng batas at mapabuti ang sistema ng hustisya sa bansa, wala na sanang tiwaling hukom, mabawasan ang mga walang trabaho at makalikha ng mas maraming oportunidad sa pagkakakitaan, maglaan ng mas maraming panahon ang mga magulang sa kanilang mga anak, magkaroon ng mataas na standard ang publiko sa moralidad, at maging madasalin ang mga Pilipino.
(Leslie Ann G. Aquino)