Tumagal ng siyam na oras ang sagupaan ng militar at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao na nagsimula nitong Biyernes ng gabi.

Sa report na tinanggap ng Camp Crame mula sa Maguindanao Police Provincial Office (PPO), dakong 7:40 ng gabi nitong Biyernes nang nagsimula ang bakbakan na tumagal hanggang pasado 5:00 ng umaga sa bayan ng Datu Salibo.

Ayon kay Col. Felicisimo Budiongan,commander ng 1st Mechanized Brigade, sunud-sunod ang naging pagsalakay ng BIFF sa mga detachment ng Philippine Army sa Datu Salibo.

Sinabi ni Budiongan na nagdulot ng matinding takot sa mga residente malapit sa mga base-militar sa Datu Saudi Ampatuan-Datu Salibo-Datu Piang highway.

Probinsya

Bomb threat sa Zamboanga airport, natagpuan sa CR

Sa matinding pagsalakay ng BIFF, gumamit na ang militar ng 105mm howitzers cannon at tumulong din ang dalawang MG-520 attack helicopter ng Philippine Air Force (PAF) para bombahin ang mga kalaban.

Bukod dito, sinalakay din ng BIFF ang detachment ng militar sa mga bayan ng Pigcawayan at Midsayap sa North Cotabato.

Sinabi naman ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, na ang pag-atake ng kanyang mga tauhan ay bilang ganti sa pagkakapatay kay Tamharin Esmael, sub-commander ng grupo, dalawang linggo na ang nakalilipas.

Ayon kay Mama, militar ang nakapatay kay Esmael, kaya ipagpapatuloy nila ang mga pag-atake hanggang nananatili sa Datu Salibo at Datu Saudi ang Army. (Fer Taboy at PNA)