SABIK na si George Luis Oconer na patunayan sa kanyang sarili na kaya niyang maging isang kampeon matapos madama ang potensiyal at lakas para sa pinakamimithing titulo sa LBC Ronda Pilipinas na nakatakdang sumikad sa Pebrero 4 sa Vigan, Ilocos Sur.

Bitbit ang baguhang koponan na Go for Gold, ipinamalas ng 24-anyos na si Oconer ang matinding intensiyon sa korona sa pagwalis sa dalawang isinagawang qualifying race sa Subic nitong Nobyembre at sa Bacolod City sa unang linggo ng Disyembre para itakda ang pagiging isa sa paborito na magwawagi sa ikaanim na edisyon ng pinakamalaking karera sa bansa.

“Mas focus at determinado ako na mapanalunan ang titulo ngayong taon dahil medyo matured na tayo sa paglalaro,” sabi ni Oconer, pinakadikit na pagkakataong maiuwi ang titulo ay noong 2015 matapos pumangalawa sa dalawang beses na naging LBC Ronda champion Santy Barnachea.

Sinabi ni Oconer, anak ni dating two-time Olympian Norberto Oconer, na masaya siya sa kanyang bagong koponan, na pinamumunuan ni Ronnel Hualda at kasama sina Boots Ryan Cayubit at Ronald Lomotos.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

“Mas gusto ko ang koponan ngayon dahil sa kombinasyon ng youth at experience,” sabi ni Oconer.

Gayunman, inaasahang masusubok si Oconer kontra sa matinding hamon ng mga karibal partikular sa koponan ng Navy-Standard Insurance team na dinomina ang ginanap na tatlong edisyon ngayong taon.

Nakataya ang malaking premyo na P1 milyon para sa kampeon mula sa presentor na LBC at major sponsors na Mitsubishi, Petron, ASG Group, Dans360 at Donen habang sanction ng PhilCycling sa pamumuno ng president na si Abraham “Bambol” Tolentino. (Angie Oredo)