Bagong Taon, bagong lider.
Sadyang naging matulin ang panahon. Marami ang hindi makapaniwala na isang taon na naman ang lumipas. Sa pagpasok pa lang ng 2015, hindi pa man nagsisimula ang kampanya, ay bukambibig na ng karamihan ang eleksiyon. Ngunit, bukod sa eleksiyon, narito pa ang mahahalaga at ‘di malilimutang pangyayari sa Pilipinas noong 2016:
Sinubok agad ang mga Zamboangueño at isinailalim sa state of calamity ang Zamboanga City matapos na lubhang maapektuhan ng El Niño noong Enero 12, 2016. Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), aabot sa P10.8 milyon ang halaga ng pinsala.
Makalipas ang halos isang buwan, Pebrero 9, 2016, nagsimula ang 90-araw na kampanya at nagkani-kanyang suporta ang mga Pilipino sa mga kandidato.
Matapos ang mga sakripisyo sa kampanya, tuluyang nagdesisyon ang mga botante noong Mayo 9, 2016—nahalal na bagong pinuno ng Pilipinas si Rodrigo Duterte, alkalde ng Davao City.
Hunyo 30, 2016 nang pormal na iprinoklama si Duterte bilang ika-16 na pangulo. Habang si Vice President Leni Robredo ay iprinoklama bilang ika-14 na pangalawang pangulo.
Sa pagsisimula ng pamumuno ni Duterte noong Hulyo 1 ay nasaksihan kaagad ng bansa ang madugong kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga; sunud-sunod ang balita ng maramihang pagsuko ng mga adik at tulak, naaresto ang ilan, habang napatay naman sa panlalaban ang iba pa. Bumulaga rin ang maya’t mayang pamamaslang ng umano’y mga vigilante group.
Sa kasagsagan ng noon ay nagsisimula pa lang uminit na drug war, inulan ng batikos ang gobyerno, maging mula sa labas ng bansa. At naging kontrobersiyal ang matapang na pagtugon ni Duterte sa mga ito.
Hulyo 20, 2016 naman nang pinalaya si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo matapos idismis ng Korte Suprema ang kinakaharap niyang plunder kaugnay ng umano’y maling paggastos sa pondo ng PCSO. Nakalaya siya mula sa ilang taon na pagkaka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.
Nagulantang naman ang mga mamamayan nang ilabas ni Pangulong Duterte ang kanyang drug matrix, Agosto 26, 2016, at idinawit niya si Sen. Leila de Lima at ang iba pang opisyal sa gobyerno sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Isinailalim din sa ‘state of lawlessness’ ang ilang bahagi ng Mindanao ilang oras makaraang pasabugan ang Davao City night market, na ikinasawi ng 15 katao at mahigit 60 iba pa ang nasugatan noong Setyembre 2, 2016.
Setyembre 29, 2016 naman nang nagluksa ang mga Pilipino sa pagkamatay ni dating Senador Miriam Defensor Santiago dahil sa lung cancer. Isa si Santiago sa mga kumandidato sa pagkapangulo noong Mayo.
Nobyembre 18 nang sumiklab ang galit ng publiko at nagbunsod ng serye ng protesta ang palihim na paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, sa kabila ng pagkuwestiyon dito sa Korte Suprema.
Araw ng Pasko nang hagupitin ng bagyong ‘Nina’ ang Bicol at Southern Luzon, na halos isang milyong katao ang nasalanta.
Humabol pa ngayong taon ang pambobomba sa pista sa Hilongos, Leyte na ikinasugat ng mahigit 30 katao nitong Martes.
(Ellaine Dorothy S. Cal)