Habang isinusulat ang balitang ito, nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki makaraang pagsasaksakin ng tatlong magkakapatid matapos umano niyang suntukin ang isa sa mga ito habang sila’y nag-iinuman sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Patuloy inoobserbahan sa ospital si Robert Bolocon, 24, ng 2536 Oro-B, Estrada, Sta. Ana, Maynila habang nakatakas naman ang mga suspek na sina Michael Atillo, 33; Ronald Atillo, 28; at Ramil Atillo, 17, pawang residente ng 2515 Radium Street, San Andres Bukid.

Sa imbestigasyon ni PO2 Isagane Sabrine, ng Manila Police District (MPD-Station 6), dakong 1:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa bahay ng kasintahan ng biktima na si Lady Ann Nicolas, 21.

Sa salaysay sa pulisya ni Lady Ann, lumilitaw na bago ang krimen ay nag-iinuman ang kanyang nobyo at si Michael sa loob ng kanyang bahay nang sa ‘di pa batid na dahilan ay nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa, hanggang sa sinuntok ni Bolocon si Michael.

Sen. Robin, sinabing ilang araw nang 'di natutulog si Atty. Medialdea

Nang maawat ay umuwi na umano ang suspek ngunit makalipas ang limang minuto ay bumalik ito kasama ang kanyang mga kapatid saka pinagtulungang bugbugin at pagsasaksakin ang biktima.

Tinutugis na ng awtoridad ang mga suspek. (Mary Ann Santiago)