July 02, 2026

Home BALITA Internasyonal

Marriage proposal sa Empire State Building, nauwi sa aresto!

Marriage proposal sa Empire State Building, nauwi sa aresto!
Photo courtesy: via AP

Inaresto ng mga awtoridad sa New York ang dalawang Russian content creator matapos silang umakyat sa pinakatuktok ng Empire State Building at magsagawa ng umano'y marriage proposal sa bahagi ng gusali na hindi bukas sa publiko.

Kinilala ang dalawa na sina Angela Nikolau at Ivan Beerkus, na kilala sa social media bilang mga "rooftoppers" dahil sa pag-akyat sa matataas na gusali at iba pang estruktura sa iba't ibang bansa.

Ayon sa ulat, nakita ang dalawa na nakasuot ng itim na damit at may takip sa mukha habang naglalatag ng malaking itim na banner na may nakasulat na, "When the power of love beats the love of power the world knows peace."

Makalipas ang ilang sandali, bumaba ang dalawa sa mas mababang bahagi ng tore kung saan lumuhod ang lalaki at tila nag-propose sa babae. Nagyakapan at naghalikan ang dalawa matapos ang naturang eksena.

Hindi pa malinaw kung paano nakarating ang magkasintahan sa pinakatuktok ng gusali, na may taas na 443 metro at hindi naaabot ng mga karaniwang bisita.

Internasyonal

Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong, kinumpirma pagkasawi ng 17-anyos na Pinoy

Agad namang rumesponde ang New York Police Department (NYPD) at inaresto ang dalawa nang walang naitalang nasugatan.

Sa inilabas na pahayag ng NYPD, kinumpirma nila ang naturang insidente. 

“On Wednesday, July 1, 2026 at approximately 1200 hours, two unknown individuals were observed on the antenna of the Empire State Building located 20 West 34 Street, within the confines of Midtown South Precinct. NYPD’s Emergency Services Unit responded,” anang NYPD. 

Dagdag pa ng pulisya, “Two individuals were taken into custody without incident. There are no reported injuries. Charges are pending, and the investigation remains ongoing.”

Batay sa mga ulat, posibleng maharap ang dalawa sa mga kasong burglary, criminal trespass, at reckless endangerment.

Samantala, bago sila arestuhin ay nagbahagi pa si Nikolau ng mga larawan at video sa social media na nagpapakita ng umano'y proposal at engagement ring habang nasa ibabaw ng sikat na gusali. Narekober din ng mga awtoridad ang banner na kanilang iniladlad.