Maraming celestial bodies sa kalawakan ang aktibong gumagalaw at nakikipag-ugnayan sa isa’t isa araw-araw—gaano man ito kalaki o kaliit.
Ayon sa The Planetary Society, ilan lamang sa mga halimbawa nito ay ang pagtama ng humigit-kumulang sandaang tonelada ng “dust” at “sand-sized” material sa atmospera ng daigdig—na nagreresulta upang makita ng mga mata ang liwanag na dala ng “meteors.”
Ngunit kung ikukumpara sa meteors, may celestial bodies na mas malalaki pa rito, na maaari ding sumalpok hindi lamang sa atmospera, bagkus mismo sa Earth—’yan ay ang asteroids.
Ano nga ba ang asteroid?
Ayon sa pakahulugan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA), ang asteroids ay tinatawag ding “minor planets.”
Ang mga ito ay mababatong celestial bodies na maituturing na “remnants left over” o tira-tira mula sa “early formation” ng Solar System noon pang 4.6 bilyong taon na ang nakalipas.
Karamihan sa mga asteroid ay matatagpuan sa pagitan ng mga planetang Mars at Jupiter, sa loob ng tinatawag na “main asteroid belt.”
Ang laki ng mga asteroid ay maaaring masukat sa pagitan ng 530 kilometro na dayametro bilang pinakamalaking sukat, at 10 metro bilang pinakamaliit.
Pero kung sakali mang patungo ito sa direksyon ng Earth, may kakayahan ba ang mga taong pigilan ito?
Batay sa The Planetary Society, may kakayahan ang mga tao na gumawa ng paraan upang pigilan ang pagtama nito sa mundo—na makaiiwas sa malala at matinding epekto sa tao, hayop, halaman, at kapaligiran.
Anila, ang unang paraan upang mapigilan ang pagsalpok ng asteroid sa mundo ay alamin kung talaga nga bang may banta nito.
Kung sakaling mayroon, kailangang pag-aralan sa mahabang panahon (na maaaring umabot sa dekada) ang galaw ng asteroid upang matantsa ang puwersang dala nito.
Kasama na rito ang pag-obserba sa bilis, laki, at uri nito.
Matapos ang masusing pag-aaral, maaari nang gumawa ng mga aksyon upang pigilan ito.
Anila, dapat itong ma-deflect upang hindi direktang tumama sa mundo.
Ngunit paano ito gagawin?
May mga teknik kung paano gagawin ang mga aksyon patungkol dito.
Una, maaari itong gamitan ng isang dambuhalang spacecraft, na siyang hihila at babago sa galaw ng asteroid dahil sa gravity na dala nito.
Maaari din ang pagpapadala ng isang kinetic impactor upang ihampas sa asteroid, o kaya naman ay ang paggamit ng nuclear detonations.
Gayunpaman, ang mga nabanggit na deflection techniques ay dapat pang sumailalim sa mas maigting at komprehensibong pag-aaral upang matiyak ang pagiging epektibo nito.
Sa pagiging moderno ng mundo sa kasalukuyan, halos lahat ay kaya nang gawaan ng paraan ng siyensya—nararapat lamang itong pagtuunan ng sapat na panahon at importansya.