Nasawi ang isang biyudo habang apat ang malubhang nasugatan nang mag-amok at walang habas na namaril ang isang lalaki sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Pagamutang Bayan ng Malabon si Ricardo Barrera, 50, ng Lamcota Street, Barangay Concepcion ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ginagamot naman sa isa pang ospital sina Christopher Bryan Tan, 27; at Anna May Barrera, 30; samantalang nakaratay sina Amado Mesina, 36; at Mark Baticario, 19, pawang kapit-bahay ng nasawing biktima.

Sa report ni PO3 Julius Mabasa, dakong 11:15 ng gabi, masayang nagkukuwentuhan sina Ricardo at Anna sa loob ng kanilang bakuran.

National

Ex-Pres. Duterte, wala raw tsinelas no'ng dalhin sa Netherlands—Sen. Bong Go

Maya-maya’y dumating ang suspek na si Aser Vibal, 50, ng Block 16, Barangay Longos, Malabon City at pinagbabaril ang dalawa.

Dahil sa sunud-sunod na putok ng baril, lumabas sina Tan, Mesina at Bacario sa kani-kanilang bahay para mag-usyoso, ngunit sila naman ang pinagbabaril ng suspek.

Mabilis na tumakas si Vibal, pero siya’y naaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 7 na tinawagan ng mga residente ng Bgy. Concepcion.

Narekober ng mga pulis sa suspek ang isang cal. 45 pistol, 3 magazine na may lamang 18 live bullet, at silencer.

Tikom ang bibig ni Vibal at hindi sinasabi ang dahilan kung bakit niya pinagbabaril ang mga biktima.

Kasong murder at 4 counts of frustrated murder ang kinakaharap ng suspek. (Orly L. Barcala)