“Promise, mag-iipon na talaga ako next year!” Ito ang madalas na sambitin ng mga Pinoy bilang bahagi ng kanilang New Year’s resolution. Ngunit ilang beses na nga bang napako ang taun-taong pangako mo’ng ito?
Bagamat nabigo kang gawin ito sa mga nagdaang taon, may pagkakataon ka ngayong 2017 para maisakatuparan ito.
Sa tulong ng 52-week money challenge, na naging viral nitong nakaraang linggo sa social media, maaari mo nang matupad — finally — ang New Year’s Resolution mo.
Ang 52-week challenge ay pag-iipon na maaaring magsimula sa P1 hanggang P500 — o depende sa kakayahan mo — at dadagdagan kada linggo.
Halimbawa, target mong mag-ipon ng P50 kada linggo. Magsisimula ka sa P50 sa unang linggo. Sa ikalawang linggo, magdadagdag ka ulit ng P50 kaya magiging P100 na. Sa susunod na linggo, magdadagdag ka uli ng P50, padagdag nang padagdag ng P50 kada linggo sa loob ng 52 linggo. At kung magtutuluy-tuloy ito, tiyak nang makakaipon ka ng P68,900 pagsapit ng Disyembre 31.
KAYA MO BA?
Walang imposible kung gugustuhin mong makaipon. Pinatunayan ito ni JB Dionisio, 24, isang IT specialist, na nakumpleto ang 52-week challenge ngayong 2016 at nakaipon ng P68,900.
Nag-trending ang kanyang post sa Facebook at nagbigay inspirasyon sa ibang Pinoy na nais ding subukan ang hamon.
Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Dionisio kung paano niya napagtagumpayan ito.
“Nag-enjoy lang ako sa idea na mag-save ng small amount per week. Sa una madali siya, since small amount pa lang.
Naramdaman ko ‘yung hirap ng challenge nung nasa gitna na ‘ko, na more than 1k per week [na ang kailangang ipunin],” kuwento ni Dionisio.
“Ang maganda kasi rito, nade-develop ‘yung way mo ng pag-iipon, na dapat magtipid ka o kaya iwas sa pagbili ng mga bagay na ‘di mo naman kailangan. Iba rin sa pakiramdam ‘pag nagagawa mo ‘yung challenge every week,” dagdag pa niya.
TAKE THE CHALLENGE!
Para sa nagnanais na gawin ang 52-week money challenge, ang payo ni Dionisio: “You don’t need to start from big amount, start kayo sa amount na komportable kayo and also be consistent sa pag-iipon every week, because it will help you develop your savings habit.” (Airamae A. Guerrero)