Anim na commuter ang nasugatan makaraang masabugan ng bombang itinanim sa gilid ng kalsada sa Barangay Pagangan sa Aleosan, North Cotabato, bandang 10:15 ng gabi nitong Miyerkules.
Kinilala ng awtoridad ang mga nasugatan na sina Amerol Musa, Haneo Alipa Ayon, Yahyah Kasan, Pahmi Daya Diamla, Johara Amerol, at Salman Tahir.
Batay sa report ni Senior Supt. Emmanuel Peralta, director ng North Cotabato Police Provincial Office (NCPPO), sakay ang mga biktima sa isang 10-wheeler truck at nagbibiyahe patungong Cotabato City nang mangyari ang pagsabog.
Inaalam pa ng Aleosan Police ang motibo at ang pagkakakilanlan ng mga responsable sa pagsabog sa North Cotabato.
Bisperas ng Pasko nang nasa 20 katao, karamihan at nagsisimba, ang nasugatan sa pagsabog ng isang granada malapit sa Archdiocesan Shrine of Santo Niño sa Bgy. Poblacion 2 sa Midsayap.
Sinabi naman ni Supt. Bernard Tayong, hepe ng Midsayap Police, na hawak na nila ang cartographic sketch ng mga suspek na naghagis ng granada sa lugar. (Fer Taboy)