DAVAO CITY – Hindi inaasahan ng tatlong bagitong pulis na magiging pambihira ang pagpapatrulya nila nitong Miyerkules ng hapon makaraang literal na masalalay sa kanilang mga kamay ang buhay ng isang ginang at sanggol nito.
Nagpapatrulya sina PO1 Jessie Quiacusan, PO1 Chadwick Ybias at PO1 Ruel Macaldo nang lapitan sila para hingan ng tulong sa isang babaeng magsisilang sa sanggol sa nito sa loob ng barung-barong sa Liceralde Village sa Barangay Angliongto, Davao City.
Ayon sa Sasa Police Station, masuwerte naman ang mag-ina dahil si Quiacusan ay isang registered nurse at alam ang proseso sa pagpapaanak kahit na kapos sa gamit nang mga oras na iyon.
Tumulong si Quiacusan sa pagsisilang ng hindi kinilalang ginang sa isang sanggol na lalaki, ngunit kinailangang rumesponde ng Central 911 dahil nagkaproblema sa umbilical cord ng sanggol.
Noong nakaraang linggo, isa pang babae ang nagsilang ng kanyang sanggol sa loob ng public restroom ng Sangguniang Panlungsod.
Tumulong sa pagpapaanak sa kanya ang isang registered nurse, na buntis din. (Yas D. Ocampo)