ZAMBOANGA CITY – Nag-donate ang mga bilanggo at mga kawani ng Zamboanga City Reformatory Center (ZCRC) ng grocery items at mga lumang damit sa nasa 1,500 kataong naapektuhan ng sunog na tumupok sa malaking bahagi ng squatter’s area sa mga barangay ng Camino Nuevo C at Canelar sa lungsod na ito noong Pasko.
Ayon kay ZCRC Warden Chief Insp. Ervin R. Diaz, nakiisa sa aktibidad ang 2,231 bilanggo at 103 empleyado ng bilangguan sa tinawag na “Ayuda Para Na Victima Del Quema” (tulong sa mga nasunugan).
Umaabot sa P20,000 ang halaga ng mga gamit na nai-donate ng mga bilanggo, na binubuo ng bigas, instant noodles, sabon, lumang damit at iba pang personal na gamit, ayon kay Diaz.
Nasa 1,500 katao ang nawalan ng tirahan sa apat na oras na sunog na tumupok sa 300 bahay.
Nakatuloy ngayon ang mga nasunugan sa covered court ng dalawang nabanggit na barangay sa lungsod na ito habang naghihintay na mailipat sa bagong lugar na ilalaan ng pamahalaang lungsod. (Nonoy E. Lacson)