MAAARING taliwas sa pananaw ni Vice President Leni Robredo, subalit naniniwala ako na ang kanyang pagtungo sa United States (USA) ay bahagi ng isang kulturang Pilipino: Ang pagiging sentimental o sentimentalist. Siya, kasama ang kanyang tatlong anak, ay dadalo sa isang family reunion; magtitipun-tipon ang magkakamag-anak at iba pang malalapit na kaibigan at kababayan. Sinasabing ito ay matagal nang pinaghandaan.

Naniniwala ako na ang ganitong okasyon ay malaya nang madadaluhan ni VP Leni, lalo na ngayon na siya ay nag-resign na sa Duterte Cabinet. Hindi na siya nakatali, wika nga, sa pagtupad ng mahahalagang tungkulin bilang bahagi ng official family ng Pangulo; ginagampanan pa rin naman niya umano ang iba pang misyon na dapat ipatupad ng Office of the Vice President (OVP). Hindi tulad noon na obligado niyang isulong ang mga programa ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), nang siya ay pinadadalo pa sa cabinet meeting.

Ngunit ang ganitong pananaw ang pinagtuunan naman ng matinding pagtuligsa kay VP Robredo ng iba’t ibang sektor ng taumbayan, lalo na ng mga kritiko ng kinaaaniban niyang lapian. Hindi naging katanggap-tanggap sa kanila ang pagtungo sa US ng naturang opisyal sa panahon na ang bansa – lalo na ang kanyang lalawigan sa Bicol – ay binabayo ng nagngangalit na bagyong ‘Nina’. Katunayan, ang sinilangan niyang Camarines Sur ay isinailalim sa calamity area dahil sa malaking pinsala sa buhay at mga ari-arian; libu-libong pamilya ang hindi pinaligtas ng kalamidad na nanalasa rin sa maraming lugar sa Visayas at Luzon.

Totoo na hindi nagpapabaya ang OVP sa pagsaklolo sa mga kababayan ni Robredo. Kumilos ang mga rescue teams at naghatid ng mga relief goods sa mga typhoon victims na hanggang ngayon ay nagtitiis pa sa mga evacuation center.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Subalit hindi maiaalis na sila ay manabik sa nakagawiang paglilingkod ng ating Vice President; pinananabikan at hinahanap-hanap nila ang pagkalinga at pag-aaruga na tulad ng tunay na ina ng bayan, lalo na ng mga nasa laylayan ng lipunan.

Totoo rin na hindi nais madama at masaksihan ng nakararaming mamamayan ang nakadidismayang serbisyo ng ibang lingkod ng bayan; na humahagupit na ang bagyo ay hindi pa sila sumisilip at tila manhid sa pagdamay sa mga biktima ng kalamidad; na inuuna pa nila ang pagpapasarap sa walang kapararakang mga okasyon.

Kahit minsa’y hindi ko nakadaupang-palad si VP Leni, subalit hindi marahil isang kalabisang sabihin na kahit na siya ay nasa ibang bansa, ang kanyang pagmamalasakit ay nakakintal sa puso at isipan ng sambayanang Pilipino.

(Celo Lagmay)