Sinisilip ngayon ng mga imbestigador ng pulisya ang away sa negosyo na posibleng dahilan sa pagpapasabog ng granada ng tatlong hindi nakilalang suspek sa isang tindahan sa Sitio Kabula, Barangay Lumbia, Cagayan de Oro City, nitong Martes ng gabi.
Ito ang nakuhang impormasyon ng pulisya kahapon kaugnay ng pagkakasugat ng apat na katao, tatlo sa mga ito ay magkakaanak at dalawa sa mga biktima ang malubha ang lagay.
Kinilala ang mga biktima sina Julius Javier, 30, na nasugatan sa likod; at Zaibe Villarin, 29, na sa balikat naman nasugatan. Malubha naman ang kalagayan ng anim na taong gulang nilang anak at ng kostumer na si Ronald Alunan.
Batay sa salaysay ng mga saksi sa pulisya, huminto ang tatlong hindi nakilalang suspek na magkakaangkas sa motorsiklo sa harap ng tindahan ng gasolina ni Javier sa Sitio Cabula, Bgy. Lumbia at naghagis ng granada bago nagsisisigaw umano sa galak na nagsitakas.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek, na tumakas sakay sa motorsiklo.
Sinabi ni Senior Insp. Dennis Ebsolo na natukoy na ng pulisya ang ilan sa mga suspek batay sa salaysay ng isa sa mga biktima. (Fer Taboy at Camcer Ordoñez Imam)