CAINTA, RIZAL – Patay ang apat na lalaki na hinihinalang miyembro ng sindikato ng gun-for-hire, pagnanakaw at droga na Highway Boys makaraang makipagbarilan sa mga pulis nitong Martes.
Labingtatlong iba pa ang naaresto habang walo ang nakatakas makaraang mapurnada ng mga pulis ang operasyon ng mga suspek bago magtanghali nitong Martes sa Block 3, Road 6, Planters, Westbank sa Barangay San Andres sa bayang ito, ayon kay Rizal Police Provincial Office (PPO) Community Relations Office chief, Supt. Ruben Piquero.
Nasamsam sa nasabing operasyon ang 33 plastic sachet na may hinihinalang shabu, isang .38 caliber revolver at tatlong .22 caliber handgun, na pawang walang serial numbers.
Batay sa natanggap na reklamo ng pulisya, sinalakay nila ang lugar ng mga suspek hanggang sa isa-isang magpulasan ng takbo ang mga ito, habang nakorner naman ang iba pa hanggang sa napilitang sumuko.
Isang bangkay ng lalaki na pinagkasya sa container box ang natagpuan ng mga pulis katabi ang kahahalo pa lang na semento. Hindi pa tukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng lalaki hanggang kahapon.
Apat sa mga nagtangkang tumakas ang nakipagbarilan umano sa mga pulis ngunit napatay sila.
Kinilala ang mga naaresto na sina Kerbin Labasa, 25; Paul Roble, 18; Ricky Beltran, 23; Jonathan Mota, 37; Jay-R Pelareja, 36; Raniel Nasupil, 41; Rommel Guerrero, 41; Rey Casinillo, 37; Joel Villafuerte, 37; Ricky Domasig, 47; Florentino Luzon, 56; Jog Vargas, 19; at isang 17-anyos na lalaki. (NEL B. ANDRADE)