Habang papalapit ang Bagong Taon at aabot na sa 70 firecracker-related injuries ang naitala, inabisuhan ng Department of Health (DoH) ang publiko kung anu-ano ang dapat gawin kapag nabiktima ng paputok.

“Ang isang nagiging biktima ng paputok ay kailangang hugasan nila mabuti ang paltos para matanggal ang residues.

Hindi kailangan ng yelo. Basain mo lang siya tuluy-tuloy, mga limang minuto kasi mainit. Tapos balutin mo habang dinadala siya sa ospital,” pahayag ni Health Spokesperson Eric Tayag kahapon.

Sinabi ni Tayag na maliit man o malaki ang sugat, kinakailangan pa ring dalhin ang biktima sa pinakamalapit na ospital upang maiwasan ang kumplikasyon.

Nasawi sa Air India nasa 270 na; pagkilala sa bangkay ng mga biktima, nagpapatuloy!

“Doon tatanggalin iyong mga hindi natanggal na pulbura. Bibigyan sila ng mga gamot para maiwasan ang kumplikasyon,” paliwanag ni Tayag, idinagdag na kahit maliit na sugat ay maaaring maging sanhi ng pagkamatay.

Samantala, sakaling aksidenteng makalulon ng paputok, kinakailangang kumain agad ng puti ng itlog.

“Kung may makakalunok ng watusi... nakakalason iyon, nakakasira ng atay. Kailangang palulunin ng puti ng itlog (ang biktima). Limang piraso iyon kung bata. Doblehin n’yo kung matanda. Doblehin, so 10. Wala iyong pula ng itlog,” paliwanag ni Tayag.

Gayunman, sinabi ni Tayag na hindi gamot ang puti ng itlog.

“Hindi ito antidote, bagkus ito ay para ‘wag kumapit iyong hindi pa kumakapit. Ngayon dadalhin n’yo sa ospital, doon siya bibigyan ng antidote,” sabi pa ni Tayag. (Charina Clarisse L. Echaluce)