TAGAYTAY, Cavite – Patay ang isang hinihinalang magnanakaw matapos umanong manlaban sa mga security guard na sumita sa kanya kasunod ng umano’y panloloob niya sa dalawang bahay sa Southridge Estates Subdivision sa Barangay Sungay West sa lungsod na ito, ayon sa pulisya.
Nabaril sa tiyan at hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Tagaytay ang hindi pa nakikilalang lalaki, na nasa 40 anyos, may taas na 5’4” at balingkinitan.
Walang nakakakilala sa kanya sa subdibisyon.
Rumesponde ang mga guwardiya sa paghingi ng saklolo ng isang ginang na residente sa subdibisyon makaraan umanong looban ng suspek dakong 2:30 ng umaga nitong Sabado.
Sinabi ni PO3 Jude L. Camitan na unang nilooban ng suspek ang bahay ng isang babaeng negosyante sa Redwood Street sa nasabing subdibisyon at nakatangay ng isang tablet computer at mga alahas. (Anthony Giron)