Umaabot sa 12,000 pasahero ang napilitang magpalipas ng Pasko sa mga pantalan sa iba’t ibang dako ng bansa kasunod ng pagkakasuspinde ng mga paglalayag dahil sa bagyong ‘Nina’ (international name” Nock-Ten).

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), 11,522 pasahero, 1,078 rolling cargo, 37 barko at anim na motorbanca ang stranded hanggang kahapon ng tanghali dahil sa pagsusungit ng karagatan na dulot ng bagyo.

Sa tala ng PCG, 5,123 pasahero, 549 na rolling cargo, 12 barko at tatlong motorbanca ang stranded sa mga pantalan sa Bicol Region kung saan inaasahang magla-landfall ang Nina kagabi.

Umabot hanggang Signal No. 4 ang itinaas sa Catanduanes at Camarines Sur pasado tanghali kahapon, habang nasa Signal No. 3 naman ang Burias Island, Albay, Camarines Norte, Southern Quezon, Sorsogon at Marinduque.

National

Signal No. 3, itinaas na sa 2 lugar sa Luzon dahil sa bagyong Nika

Kabilang naman ang Metro Manila sa 13 lugar na isinailalim sa Signal No. 2, habang Signal No. 1 naman ang itinaas sa Pangasinan at sa iba pang kalapit nitong probinsiya sa hilagang Luzon.

Napaulat na aabot na rin sa milyong katao ang nailikas sa Bicol upang makaiwas sa pananalasa.

WALA MUNANG BIBIYAHE

Hanggang kahapon ay ipinagbabawal pa rin ng PCG ang pagbiyahe ng mga bus, partikular na ang patungong Bicol at Visayas, upang hindi na madagdagan pa ang mga stranded sa mga pantalan.

Kasabay nito, kinansela rin kahapon ang 45 international at domestic flights, kabilang na ang iba pang flight ngayong Lunes.

Kabilang sa mga nagkansela ng flight kahapon (Disyembre 25) at ngayong Martes (Disyembre 26) ang Philippine Airlines, Cebu Pacific at Air Juan.

Batay sa huling weather bulletin kahapon ng hapon, patuloy na kumikilos ang Nina pakanluran patungong Bicol at inaasahang magla-landfall sa Catanduanes kagabi.

SA MIYERKULES AALIS

Dakong 5:00 ng hapon kahapon nang natukoy ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mata ng bagyo sa 250 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes, at tuluy-tuloy na kumikilos pakanluran sa bilis na 15 kilometers per hour (kph), patumbok sa Catanduanes.

Lumakas pa ang bagyo at umabot sa 185 kph ang lakas ng hangin at ang bugso ay nasa 255 kph.

Sakaling mapanatili ang bilis at direksiyon, inaasahang lalabas ng bansa ang Nina sa Miyerkules.

Kaugnay nito, itinaas na kahapon ng tanghali sa “Red Alert” ang status ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), gayundin ang mga regional disaster council ng Regions 1, 2, 3, 8, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Cordillera at Metro Manila.

(May ulat nina Martin Sadongdong at Francis Wakefield) (ARGYLL CYRUS GEDUCOS, BETH CAMIA at ELLALYN DE VERA)