Hindi makapaniwala ang isang 22-anyos na ina na magagawa ng kanyang “bestfriend” na tangayin ang kanyang isang buwang gulang na anak sa Sampaloc, Maynila, iniulat kahapon.

Sa reklamo ni Mary Claire Gilbero, ng 785 Panay Street, Sampaloc, tinangay ng kanyang kaibigan na si Fhey Zamora, 23, ng Sta. Mesa, Maynila, ang kanyang anak.

Ayon kay SPO1 Thelma Samudio, matalik na magkaibigan ang complainant at ang suspek dahil naging magkatrabaho ang mga ito.

Sinasabing sabik na magkaanak ang suspek dahil nang mabuntis ito noon ay nakunan na labis nitong ikinalungkot.

Sen. Robin, sinabing ilang araw nang 'di natutulog si Atty. Medialdea

Nang malaman umano ng suspek na nagkaanak na si Gilbero ay hiniling nitong sila’y magkita, na pinaburan naman umano ng huli dahil kaibigan naman niya ito.

Gayunman, nang makita ni Zamora ang sanggol ay nagkainteres umano ito sa bata at hiniling kay Gilbero na ipahiram sa kanya kahit isang araw lamang.

Naawa naman umano ang biktima sa suspek nang sabihin nito na, “Kahit isang araw lang sana makapag-alaga ako ng baby para ma-experience ko naman.”

Makalipas ang isang araw ay hindi pa rin umano ibinabalik ni Zamora ang bata at hindi na rin umano siya matawagan ni Gilbero sa cell phone. (Mary Ann Santiago)