IRBIL, Iraq (AP) – Nakapuwesto ang belen at Christmas tree sa isang sulok ng lansangan. Ilan sa mga bata ang masayang-masaya sa suot nilang sombrero ni Santa Claus habang bitbit ang mga bagong laruan. Napapalamutian ng makukulay na lobo ang mga bintana at balkonahe.

Naroon ang simbolo ng Pasko sa Ankawa camp, kung saan nakatuloy ang libu-libong Iraqi Christian na naitaboy mula sa kanilang mga tahanan simula nang kubkubin ng teroristang grupo ng Islamic State ang kanilang mga bayan at komunidad sa Nineveh sa hilagang Iraq noong 2014.

Gayunman, dama sa Kapaskuhan ang pangungulila at kawalang pag-asa. Hindi pa rin sila makabalik sa kani-kanilang tahanan kahit pa nabawi na ng puwersang Iraqi ang kanilang mga komunidad mula sa mga militante. Wasak na wasak ang kanilang lugar, walang supply ng tubig o kuryente. At sa kabila ng matinding pagkadurog ng kanilang mga komunidad, malinaw pa rin nilang nababakas ang mga alala ng dating masaya at payapang Pasko na noon ay ipinagdiriwang nila.

“I just want to go home,” naluluhang sabi ni Victoria Behman Akouma, 79 anyos, na kabilang sa mga pansamantalang nanatili sa kanyang bahay ilang araw makaraang salakayin ng IS ang kanyang bayan, ang Karamlis, noong Agosto 2014.

Sen. Bong Go, binalikan payo sa kaniya ni FPRRD

“They asked me to convert to Islam, but I told them I will die a Christian and that they can kill me if they want to,” kuwento niya.

Ang mga Kristiyano sa lalawigan ng Nineveh, na Mosul ang kabisera, ay dating kasapi ng isang sinauna ngunit aktibo pa ring komunidad ng mga Kristiyano sa Iraq. Protektado sila at may halos pantay na mga karapatan sa mayoryang Muslim ng Iraq sa ilalim ng pamumuno ni Saddam Hussein, ngunit mabilis na kumaunti ang kanilang bilang matapos na patalsikin sa digmaang inilunsad ng Amerika ang diktador noong 2003, na kalaunan ay nagbigay-daan sa militarism ng mga relihiyon, sa pangunguna ng Al-Qaeda.

Simula noon, madalas nang inaatake ng mga militanteng Sunni ang mga Kristiyano at kanilang mga simbahan, naghahasik ng takot sa mga komunidad kaya naman marami ang napilitang lumikas at manirahan sa ibang bansa sa rehiyon, kung saan tanggap ang mga Kristiyano. Sa tinatayang 1.5 milyong Kristiyano na nasa Iraq bago ito salakayin ng Amerika, nasa 500,000 na lamang ang natitira.

At ngayong nabawi na ng puwersang Iraqi ang mga komunidad ng Kristiyano, pabisi-bisita lang sa lugar ang kaya nilang gawin, bukod sa pagsisimba sa iilang simbahan na bahagya lang ang pinsala at pinaniniwalaan nilang ligtas.

Sa kasalukuyan, nagsisiksikan ang mahigit 100 pamilya mula sa Karamlis sa mga dalawang-palapag na gusali simula 2014, naghihintay pa ring makabalik na sa kani-kanilang tahanan at muling mamuhay nang maayos.