URDANETA CITY, Pangasinan – Siyam na tauhan ng Urdaneta City Police ang iniimbestigahan ngayon matapos matuklasang nawawala ang 41 baril sa armory ng pulisya.
Kinumpirma ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) na nagsasagawa na ito ngayon ng imbestigasyon kaugnay ng mga nawawalang service firearms, katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ang isa sa siyam na iniimbestigahan sa Urdaneta City Police ay non-uniformed personnel.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa pagkakatuklas sa inventory na isinagawa ng National Police Commission (Napolcom)-Region 1 na 41 baril sa armory ng Urdaneta City Police ang nawawala.
Ayon sa Pangasinan PPO, kailangang mapanagot ang sinumang responsable sa pagkawala ng mga baril.
Habang iniimbestigahan, pansamantalang sinibak sa kani-kanilang puwesto ang siyam na pulis, na inilipat muna sa headquarters ng PPO sa Lingayen. (Liezle Basa Iñigo)