VATICAN CITY (AP) — Binira ni Pope Francis nitong Huwebes ang aniya’y kinakaharap niyang mga pagtutol sa pagrereporma sa Vatican bureaucracy. Sinabi niya na ang ilan sa mga ito ay itinulak ng demonyo at ang mga opisyal ng simbahan ay dapat sumailalim sa “permanent purification” upang higit na mapagsilbihan ang Simbahang Katoliko.
Sa ikatlong magkakasunod na taon, tinuligsa ni Francis ang Vatican bureaucracy sa kanyang taunang pagbati sa Pasko.
Sinabi niya na ang mga repormang isinulong niya nang siya ay maihalal noong 2013 ay hindi mga mabababaw na pagbabago sa Holy See, kundi mga tunay na pagbabago sa mentalidad ng kanyang mga kasamahan.
“Dear brothers, it’s not the wrinkles in the church that you should fear, but the stains!” aniya.
Noong 2014, ginulat ni Francis ang Vatican Curia, o ang administrasyon, nang inilista niya ang 15 “spiritual ailments” ng mga miyembro nito. Inakusahan niya ang mga ito ng paggamit sa kanilang mga posisyon upang magkamal ng kapangyarihan at salapi, at nabubuhay sa kaipokritohan at kinalimutan — dahil sa “spiritual Alzheimer’s” — na sila ay dapat na masaya nang maging tagapagsilbi ng Panginoon.
Nitong 2015, inilista naman ni Francis ang “catalog of virtues” na dapat nilang ipamalas tulad ng katapatan, pagtitimpi, paggalang, kababaang-loob.
Ngayong taon, binigyan niya ang mga pari, obispo, at cardinal ng 12 patnubay na inspirasyon ng kanyang isinusulong na pagbabago. Kabilang dito ang pagsasamahin ang mga departamento ng Vatican at lumikha ng mga bago.
Nanawagan siya ng “definitive end” sa face-saving way ng Vatican upang maalis ang unqualified o problematic staff na isinusulong sa mas mataas na posisyon.
“This is a cancer!” ani Francis.
Sinabi ni Francis na natural lamang ang mga pagkontra sa panahon ng proseso ng tunay na pagbabago — ngunit ayon sa kanya mayroong mabuti at masamang pagtutol.
Ang positibong pagtutol ay ang pagiging bukas sa diyalogo ngunit ang tagong pagtutol ay nagmumula sa “fearful or hardened hearts” ng mga taong nagsasabi na nais nila ng pagbabago ngunit ang totoo ay hindi, aniya.
At nariyan din ang “malevolent resistance ... when the devil inspires nasty intentions often dressed as lambs.”