Pinagbabaril hanggang sa napatay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang isang ginang na umano’y asset ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) habang tinamaan ng ligaw na bala ang kanyang kapitbahay sa Muntinlupa City, nitong Huwebes.

Ilang tama ng bala sa ulo at katawan ang ikinamatay ni Josephine Jacalo, alyas “Maxifeel”, 59, tumutuloy sa isang apartment sa Sampaguita Road, Medium Security Compound, Camp Sampaguita, New Bilibid Prison (NBP) ng nasabing lungsod.

Nilalapatan naman ng lunas ang kanyang kapitbahay na si Erlinda Javiero, 56, sanhi ng tama ng ligaw na bala sa dibdib.

Sa ulat na natanggap ni Muntinlupa City Police chief Sr. Supt. Nicolas Salvador, dakong 1:45 ng hapon nangyari ang pamamaril sa loob ng tinutuluyan ni Jacalo.

National

3 suspek sa pagkidnap at pagpaslang kay Anson Que, driver nasakote na!

Bigla umanong pumasok sa bahay ni Jacalo ang isang armadong lalaki at siya’y pinagbabaril. Ngunit sa kabila ng tinamong sugat ay nagawa pa umanong makalabas ng biktima at magtungo sa bahay ni Javiero upang doon magtago.

Sinundan pa rin ng suspek si Jacalo at muling pinaputukan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay habang minalas namang tamaan ng ligaw na bala si Javiero sa nasabing insidente.

Lumilitaw na asset umano ng PDEA si Jacalo at laging nakatatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay na posibleng may kaugnayan sa insidente.

Tinutugis na ang suspek at patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)