Nakaratay ngayon sa pagamutan si Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada dahil sa sakit na pneumonia.
Mismong si Senador JV Ejercito na ang nagkumpirma na Miyerkules ng gabi nang isugod sa Cardinal Santos Medical Center ang alkalde matapos na mahirapang huminga at mamutla.
Lumabas, aniya, sa pagsusuri ng mga doktor na may bahagyang impeksiyon sa baga ang 79-anyos na dating pangulo, kaya hindi na ito pinalabas pa sa pagamutan ng mga doktor.
Tiniyak naman ng senador na walang dapat na ikabahala ang publiko, partikular na ang mga Manilenyo, dahil sa ngayon ay bumubuti na ang lagay ng kanilang ama, bagamat nais pa rin ng mga doktor na patuloy itong obserbahan kaya kailangang manatili ito sa ospital.
Naniniwala rin si Senator JV na posibleng over fatigue ang dahilan ng pagkakasakit ng ama.
“Siya (Erap) po’y may pneumonia. Meron siyang kaunting infection sa lungs. Siguro dahil na rin ito sa fatigue,” anang senador.
“Nung una pagpunta [ng ospital], medyo talagang masama, pero ngayon, bumubuti na [siya nang] dahan-dahan,” sabi ni Ejercito. (Mary Ann Santiago)