Hubo’t hubad ang bangkay ng isang batang babae nang matagpuang palutang-lutang sa bahagi ng Port Area, Maynila hanggang sa inanod at napadpad sa Sangley Point, Cavite kung saan ito iniahon ng Philippine Coast Guard (PCG), kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 2:00 ng hapon nang mamataang palutang-lutang ang malapit nang maagnas na bangkay ng ‘di pa nakikilalang biktima, tinatayang nasa edad lima hanggang pito, ng Baseco, sakop ng Port Area, Maynila.
Kaagad naman itong ini-report sa PCG at nang hanapin ay umabot na ito sa bahagi ng Cavite City.
Nabatid na nakipag-ugnayan pa ang MPD sa Cavite Provincial Police para sa imbestigasyon sa kaso ngunit ipinaubaya na lamang ito sa MPD dahil sa kawalan umano ng hurisdiksiyon.
Ayon kay PO3 San Pedro, kailangang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima. (Mary Ann Santiago)