Unti-unti nang tumataas ang bilang ng kaso ng pagnanakaw ngayong nalalapit na ang araw ng Pasko.

Sa isang mall sa Pasay City, tatlong magkakahiwalay na nakawan ang naitala nitong Miyerkules ng gabi kung saan inaresto ang anim na babae, base sa record ng pulisya kahapon. At ito ay nangyari sa loob lamang ng isang oras.

Unang nadakip, dakong 6:30 ng gabi, sina “Tricia”, 17; at “Gale”, 16, matapos umanong magnakaw ng P1,500 halaga ng damit ng bata sa SM Mall of Asia (MOA).

Ayon sa security guard na si Juvy Tizon, nakita niyang isinilid ng mga suspek ang mga damit sa kani-kanilang backpack at nagtangkang lumabas nang hindi nagbabayad, kaya kinompronta umano niya ang dalawa. Idinahilan naman ng mga suspek na nakalimutan lamang nilang bayaran ang mga damit para sa kanilang nakababatang kapatid.

Honasan kay Duterte: 'Mag-pray ka’

Samantala, ng nasabi ring oras, inaresto naman ni Leonard Lungan ang magkapatid na sina “Patch”, 20; at “Bea” 16, matapos umanong nakawin ang P3,450 halaga ng damit.

Ayon kay Lungan, kahina-hinala ang kilos ng magkapatid at panay ang tingin sa kanya.

Sa paglabas ng magkapatid sa pamilihan, ininspeksiyon ni Lungan ang kanilang mga bag at nakita ang isang pares ng bistida na hindi pa nababayaran dahilan upang sila’y arestuhin.

Ang ikatlong insidente ay nangyari dakong 7:00 ng gabi at dinampot sina “Gela”, 16, at “Maffy”, 17, matapos magnakaw ng P2,750 halaga ng make up.

Inaresto ng guwardiyang si Geremy Rose Dalmacio sina Gela at Maffy nang tumunog ang alarm ng tindahan sa kanilang paglabas. Gayunman, sila ay tumakbo ngunit hindi nakatakas at sinabing nais lamang nilang maging “presentable” sa darating na Pasko ngunit wala silang perang pambili ng damit.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Chief Inspector Rolando Baula, head ng Pasay police investigation division, ang mga may-ari ng tindahan na maging alerto sapagkat nagkalat ang mga magnanakaw ngayong Pasko. (MARTIN A. SADONGDONG)