Nais lang tumulong, napahamak pa.
Patay ang isang karpintero makaraang pagsasaksakin ng isang lalaking inawat nito sa pagwawala sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Ospital ng Tondo si Romeo Agocejo, 48, ng 753-A Kagandahan Street, Tondo, Maynila, dahil sa malalalim na saksak sa katawan.
Samantala, tinutugis na ng mga awtoridad ang umano’y tumakas na suspek na si Anthony Dela Paz, alyas “Mark”, 33, ng 750 Interior 15 J. A. Planas St., Gagalangin, Tondo, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 6:15 ng gabi nangyari ang pananaksak sa G. Perfecto St., malapit sa panulukan ng Kagandahan St., Tondo, Maynila.
Papauwi na umano ang biktima mula sa trabaho subalit nadaanan ang pag-uumpukan ng mga kapitbahay at napasabak na sa masarap na kuwentuhan.
Maya-maya’y dumating na umano ang suspek na armado ng patalim at sinabing, “Ano? Ngayon kayo magtapang!” At saka inatake si Jack Lou Hernandez, kakuwentuhan ng biktima, ngunit nakailag ito.
Dito na umano tinangka ng biktima na awatin ang suspek hanggang sa siya na ang pinagbalingan at tuluyang pinagsasaksak.
Nakatakbo pa umano palayo ni Agocejo ngunit siya’y nadapa at muling inundayan ng saksak ng suspek bago tumakas.
(Mary Ann Santiago )