18 three-pointer, napasabog ng Houston Rockets; Cavs umulit.

PHOENIX (AP) – Muling naglagablab ang outside shooting ng Houston Rockets sa naisalpak na 18 three-pointer tungo sa dominanteng 125-111 panalo kontra Phoenix Suns nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Mula sa malamyang tirada sa rainbow lane dahilan para matuldukan ang 10-game winning streak ng San Antonio Spurs may 24 na oras ang nakalilipas, sumambulat ang Rockets para ibigay sa Suns ang ikaapat na sunod na kabiguan.

Hataw sina James Harden at Eric Gordon sa natipang 12 sa kabuuang 18 three-pointer ng Rockets para sa nakubrang 27 at 24 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Nahila ng Houston ang bentahe sa pinakamalaking 20 puntos, 120-100, mula sa magkasunod na tres ni Harden sa final period.

Umiskor ng double digit ang pitong Houston players, sa pangunguna ni Patrick Beverley na kumana ng 18 puntos, siyam na rebound ay siyam na assist.

Nanguna sa Suns si Devin Booker na may 28 puntos, habang kumubra sina TJ Warren at Brandon Knight mula a bench ng 19 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.

CAVS 113, BUCKS 102

Sa Cleveland, muling nagtagpo ang landas ng Cavaliers at Milwaukee Bucks, ngunit sa pagkakataong ito kombinsido ang panalo laban sa Milwaukee Bucks.

May 24 na oras matapos magkaharap sa pahirapang laban sa Milwaukee, naging magaan ang laro para sa Cavs, sa pangunguna ni Kyrie Irving na may 31 puntos at career-high 13 assist, habang tumipa si LeBron James ng 29 puntos.

Hindi nakalaro sa Cavs sina star forward Kevin Love bunsod ng injury sa kaliwang tuhod, at J.R. Smith na nabalian ng buto sa kanang hinlalaki.

Nanguna sa Bucks si Giannis Antetokounmpo sa naiskor na 28 puntos, habang kumana si Jabari Parker ng 27 puntos.

GRIZZLIES 98, PISTONS 86

Sa Auburn Hills, Michigan, napantayan ni Marc Gasol ang career high 38 puntos mula sa 14-of-17 shooting, para sandigan ang Memphis Grizzlies laban sa Detroit.

Naputol ng Grizzlies ang three-game losing streak, habang bagsak ang Detroit sa ikaapat na sunod na kabiguan.

TIMBERWOLVES 92, HAWKS 84

Sa Atlanta, ratsada sina Andrew Wiggins na kumubra ng 19 puntos at Karl-Anthony Towns na may 17 puntos at 18 rebound, sa panalo ng Hawks kontra Wolves.

Humirit si Zach LaVine ng 18 puntos para sa Timberwolves.

Kumana naman si Dennis Schroder ng 21 puntos at nagsalansan ng 18 puntos at 10 rebound si Paul Millsap para sa ikaanim na sunod na kabiguan ng Hawks.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Oklahoma City Thunder, 121-110, kontra New Orleans Pelicans; minahika ng Wizards ang Chicago Bulls, 107-97; pinaluhod ng Sacramento Kings ang Utah Jazz, 94-93; namayani ang Dallas Mavericks kontra Portland Trailblazer, 96-95