May hanggang Lunes, Hunyo 1, 2026 na lamang si Vice President Sara Duterte upang isumite ang kaniyang opisyal na sagot sa Articles of Impeachment na inihain laban sa kaniya sa Senado.
Ito ang nakasaad sa inilabas na media advisory ng Office of the Senate Secretary na may petsang Mayo 31, 2026.
Ayon sa abiso, maaaring ihain ng Pangalawang Pangulo ang kaniyang sagot nang personal, sa pamamagitan ng legal counsel, o sa pamamagitan ng electronic mail.
"Vice President Sara Duterte has until Monday, 1 June 2026, from 8:00 a.m. to 7:00 p.m., to file her Answer to the Articles of Impeachment."
Nakasaad din sa advisory na kung personal o sa pamamagitan ng abogado ihahain ang dokumento, ang opisyal na dokumentasyon ng proseso ay eksklusibong pangangasiwaan ng Senate Public Relations and Information Bureau (PRIB).
"The Vice President may file her Answer personally, through counsel, or through electronic mail."
Ang pagsusumite ng sagot ni Duterte ay bahagi ng mga susunod na hakbang sa impeachment proceedings na pormal na umusad matapos ihain ng House of Representatives ang Articles of Impeachment sa Senado.
Noong unang bahagi ng Mayo, ipinadala ng impeachment court ang summons at opisyal na inatasan ang bise presidente na maghain ng kaniyang sagot sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint.
Matapos matanggap ang summons, binigyan ang kampo ni Duterte ng itinakdang panahon upang magsumite ng kanilang pormal na tugon bago tuluyang umusad ang paglilitis sa Senado.
Upang mapadali ang media coverage sa inaasahang paghahain ng sagot, itinalaga ng Senado ang Quezon at Tolentino Rooms bilang media holding at coverage areas.
"Should the Vice President or members of her legal team wish to address the media, they will be escorted to these rooms for any press briefing or media interaction."
Mahigpit ding nilimitahan ng Senado ang galaw ng media sa loob ng gusali para sa seguridad at maayos na daloy ng proseso. Tanging mga awtorisadong opisyal ng impeachment court at mga miyembro ng legal team ng bise presidente ang papayagang makapasok sa Office of the Senate Secretary kung saan tatanggapin at poprosesuhin ang sagot.
"For security and operational reasons, media access shall be limited to the Second Floor."
Samantala, ipatutupad din ang mahigpit na "No ID, No Entry" policy para sa lahat ng media personnel na magko-cover sa kaganapan.
Ayon pa sa Senado, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng paghahanda upang matiyak ang maayos, ligtas, at episyenteng proseso ng paghahain ng sagot ni Duterte habang binibigyan din ng sapat na pagkakataon ang media na ma-cover ang mahalagang pangyayari.
"These arrangements are intended to ensure the orderly, secure, and efficient conduct of the filing process while allowing the media to effectively cover this significant event."
Matapos maisumite ang sagot ng bise presidente, inaasahang tatalakayin ng impeachment court ang mga susunod na proseso kaugnay ng nalalapit na impeachment trial.