May 31, 2026

Home BALITA

NCRPO, pinaghahandaan na seguridad ng Senado para sa impeachment trial ni VP Sara

NCRPO, pinaghahandaan na seguridad ng Senado para sa  impeachment trial ni VP Sara
Photo courtesy: MB file photo

Naghahanda na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa pagbubukas ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6, 2026.

Ayon sa NCRPO, nakikipag-ugnayan na sila sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado upang matiyak ang kaayusan at seguridad sa paligid ng gusali ng Senado, kabilang ang maayos na crowd control at ligtas na pagpasok at paglabas ng mga opisyal, empleyado, at iba pang dadalo sa mga pagdinig.

Sinabi ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo na layunin ng koordinasyon na masiguro ang agarang pag-alalay ng mga pulis sa oras na lumabas ang sinumang opisyal o personalidad mula sa Senate compound.

“Patuloy na pakikipag-coordinate sa Senate security para ma-ensure natin na as soon as lumabas sa compound ng Senate, masasalo na ng ating pulis kung sino ang lalabas or kung kinakailangan silang i-assist para pag may pagtitipon, magagawang ma-clear natin ang daan nila,” ani Asilo.

Dagdag ni Asilo, pinag-uusapan na rin kung kinakailangan pang maglagay ng mga karagdagang harang o barriers sa paligid ng Senado bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang pagtitipon ng mga tagasuporta at kritiko ng bise presidente.

Politics

PBBM, inaming hindi pagkakamaling tumakbo kasama si VP Sara

Nananatili rin umanong naka-standby ang mga reserve personnel ng NCRPO sakaling magkaroon ng paglala ng sitwasyon habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings. Mayroon na ring mga checkpoint sa ilang bahagi ng Pasay City bilang bahagi ng security preparations.

Samantala, nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni Duterte sa Hulyo 6, 2026. Bago nito, inatasan ng impeachment court ang bise presidente na magsumite ng kaniyang sagot sa writ of summons hanggang Hunyo 1.

Nauna nang kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) na natanggap na nila ang mga dokumento kaugnay ng impeachment case, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umanong naihahaing pormal na sagot ang kampo ni Duterte.

Sa ilalim ng Resolution No. 39 o Rules of Procedure on Impeachment Trial, binigyan ang bise presidente ng hindi na maaaring palawigin na sampung araw upang magsumite ng kaniyang sagot mula sa araw ng pagtanggap ng summons. Matapos nito, magkakaroon naman ng limang araw ang prosecution panel upang magsumite ng kanilang reply.

Inihain ng House of Representatives ang impeachment complaint laban kay Duterte batay sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes. Itinanggi naman ng bise presidente ang mga paratang laban sa kaniya.