SIYEMPRE, sa traffic pa rin nakatuon ang talakayan natin.
Sigurado kasi nitong mga nakaraang araw ay nakatikim pa rin kayo ng pagkakaipit sa matinding trapiko.
Halos walang galawan na ang mga sasakyan, hindi lang tuwing rush hour kundi kahit anong oras.
Mantakin n’yo, hanggang alas dose ng hatinggabi ay matindi pa rin ang traffic!
Nagpasya kang manatili sa opisina o kaya’y mag-malling muna upang magpalipas ng trapiko, pero pag-uwi mo makaraang palipasin ang ilang oras, traffic pa rin!
Wala kayong kawala. Kahit saan kayo lumusot ay traffic.
Ganyan talaga tuwing papalapit ang Pasko.
‘Yan ang sinasabi nila na “perennial problem” dahil taun-taon ay paulit-ulit na lang ang ganitong problema.
Nakadidismaya subalit kailangang tiisin ng lahat upang hindi masira ang paggunita sa Pasko.
Tuluyan nang naging inutil ang gobyerno sa suliranin sa trapiko. Pansin n’yo ba? Habang lumalalim ang gabi ay kumakaunti ang mga traffic aide sa mga lansangan.
Kapag sinabayan pa ng buhos ng ulan, lalong nawawala sa paningin ang mga traffic constable.
Kung sa militar, ang tawag d’yan ay “abandonment of post.”
Ang mga sundalong nagkakasala ng ganito ay isinasalang sa court martial. Ang katapat na parusa, dismissal from service.
Tulad ng mga motorista, dapat ay matuto ring magtiis ang mga traffic aide sa kritikal na panahon tulad ngayong Christmas season.
Konti pa sanang hatak sa kanilang pasensiya at patuloy pa rin silang magmamando ng trapiko kahit pa malalim na ang gabi o madaling araw na.
Marami na ang nakapapansin na tuwing nagkakabuhul-buhol ang trapiko ay lalong kumakaunti ang mga traffic constable.
Bakit ganun? Dahil ba nagkakabuhul-buhol na ang mga sasakyan ay tama lang na iwan nila ang kanilang puwesto?
Mamang traffic constable, pakiusap lang naman. Sa mga nalalabing araw bago ang Araw ng Pasko, puwede bang magpakita kayo ng gilas sa pagsasakatuparan sa inyong sinumpaang tungkulin?
Simula ngayong Huwebes hanggang sa Linggo, malaki ang posibilidad na matindi pa rin ang traffic dahil sa nagpa-panic buying na mamamayan upang may maipang-regalo sa kanilang mga mahal sa buhay.
Naaalala pa ni Boy Commute na may ilang pagkakataon sa nakalipas na mga Pasko na namahagi siya ng sandwich, head cap, T-shirt at iba pang give-away sa masisipag na traffic constable.
Nakalalaki rin ng puso kapag sinasalubong nila ng ngiti ang mga motorista na may kasabay pang malutong na saludo sa kanilang pagdaan.
Konting tiis na lang naman, amigo! (ARIS R. ILAGAN)