ANKARA (Reuters, AP) – Ang 22-anyos na Turkish policeman na pumatay sa ambassador ng Russia sa Ankara ay lumiban sa trabaho at nagkunwaring may sakit sa araw ng pag-atake, sinabi ng isang senior security official sa Reuters.

Kinilala ng gobyerno ang suspek na si Mevlut Mert Altintas, na sumigaw ng “Don’t forget Aleppo!” at “Allahu Akbar” at paulit-ulit na binaril si Russian Ambassador to Turkey Andrey Karlov habang nagtatalumpati sa isang art gallery sa kabisera.

Lunes ng umaga, tumawag si Altintas sa division ng Ankara riot police kung saan dalawa’t kalahating taon na siyang nagtatrabaho at sinabing masama ang kanyang pakiramdam, ayon sa opisyal.

Si Altintas, naninirahan sa isang inupahang silid sa Demetevler sa labas ng Ankara, ay natulog sa hotel sa central Ankara malapit sa gallery sa bisperas ng pamamaslang.

15 public schools sa Davao City, nagsuspinde ng face-to-face classes para sa kaarawan ni FPRRD

“He walked from the hotel ... to the gallery. He showed his police ID at the entrance,” sabi ng opisyal.

Dahil pulis, hindi na siya dumaan sa security check at nakapasok na may dalang baril.

Labing-isang beses na nagpaputok si Altintas, siyam dito ang tumama kay Karlov, ayon sa police report.

Ayon sa isang impormante, naispatan si Altintas sa opening night ng exhibition noong Biyernes. “There was a ceremony for the opening of the exhibition on Friday evening and the attacker came to that event,” sabi ng impormante.

Dumating noong Miyerkules ang isang grupo ng 18 Russian investigators at foreign ministry officials sa Turkey at sinimulan ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Karlov.

Nasa sentro ng joint Turkish-Russian investigation ang alamin kung mag-isang plinano ni Altintas ang pag-atake.

Sa pananaw ng isang senior Turkish government official, hindi kumilos nang mag-isa si Altintas, idiniin na taglay ng pagpatay ang lahat ng marka ng pagiging “fully professional, not a one-man action.”

Ayon sa mga analyst, ang kilos at paraan ng pag-atake ni Altintas ay nagpapahiwatig na “he received training that was much more than riot police training.”

Idinetine na ng mga awtoridad ang mga taong malapit kay Altintas: ang kanyang mga magulang, kapatid na babae, tatlong kamag-anak, at ang roommate niya sa Ankara.