CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Pinagbabaril ang isang barangay chairman makaraan niyang tanggihan ang tagay ng “bagets” na inialok sa kanya sa Barangay Maningcol sa bayan ng Pinamalayan, dakong 7:00 ng gabi nitong Martes.
Kinilala ni Senior Supt. Christopher C. Birung, director ng Oriental Mindoro Police Provincial Office (PPO), ang biktimang si Uldarico De Belen, chairman ng Bgy. Maningcol, Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Ayon sa imbestigasyon, nakikipag-inuman ng gin na tinatawag na “bagets” si Victor F. Mahaguay, 43, karpintero at dating chairman sa Bgy. Maningcol, nang mapadaan si De Belen kaya tinagayan niya ang huli, pero tumanggi ito.
Napaulat na mistulang nainsulto si Mahaguay kaya nagalit ito, binunot ang kanyang .45 caliber pistol at limang beses na binaril si De Belen.
Sa ulat ni Chief Insp. Romeo L. Plaida, Jr., dakong 7:37 ng gabi nang sumuko si Mahaguay sa pulisya ngunit hindi nito isinuko ang baril na ginamit sa krimen.
Nabatid ng pulisya na naging magkalaban ang biktima at suspek sa huling eleksiyon, at isa ito sa mga tinitingnang motibo sa krimen. (Jerry J. Alcayde)