LA TRINIDAD, Benguet - Nahaharap ngayon sa kidnapping ang teacher na tumangay sa tatlong-araw na baby boy nitong Disyembre 13 sa loob ng Benguet General Hospital sa bayang ito.
Labis naman ang pasasalamat ng ama ng sanggol na si Jose Antonio Vicente, Jr., 41, ng Barangay Ambassador, Tublay, Benguet, sa pulisya at sa mga concerned citizen na tumulong para kaagad niyang mabawi ang anak nitong Disyembre 16.
Nasa kustodiya na ng pulisya ngayon si Janedy Antonio Agayao, 24, may asawa, ESL teacher ng Itogon, at residente ng Buguias.
Ayon kay PO3 Brenda Gupaal, ng La Trinidad Municipal Police, matapos nilang makita sa CCTV footage ang suspek at kumalat ito sa social media ay positibong kinilala si Agayao ng pinsang si Judy Delos Reyes hanggang sa mabawi ang sanggol.
Lumitaw din sa imbestigasyon na naka-confine si Agayao sa nasabing ospital matapos umanong makunan ng sanggol dulot ng kumplikasyon sa pagbubuntis nito.