Isa umanong lasing na rider ang namatay matapos nitong araruhin ang mga halaman sa flyover sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital si Christopher LJ Bruce, 23, ng No. 2131 RCAD 12 Fabie Estate, Sta. Ana, Maynila, sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Sa pagsisiyasat ni SPO1 Mark Jun Dialde Anaviso, ng Pasay City Traffic Department, dakong 1:20 ng madaling araw nangyari aksidente sa Roxas Boulevard, EDSA-flyover.
Sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo, for registration, nang mawalan umano ng preno hanggang sa dumausdos at araruhin ang naglalakihang plant box.
Tumilapon ng ilang metro ang biktima na walang suot na helmet at masama ang pagkabagsak sa sementadong kalsada.
Nabatid na may dalang helmet ang biktima ngunit nakasabit lang ito sa motorsiklo.
Ayon sa mga pulis, posibleng lasing si Bruce dahil amoy alak pa umano ito.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)