Binawi ng Malacañang ang bonus na inilaan nito para sa matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) bilang pabuya sa agresibong pagpapatupad ng kampanya laban sa droga.

Mismong si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang nagkumpirma kahapon ng pagbawi sa bonus isang araw matapos niyang sabihin na tatanggap ang matataas na opisyal ng pulisya ng bonus na mula P50,000 hanggang P400,000.

“Gusto ko sanang mag-share sa inyo kung meron akong natanggap, kasi akala ko meron akong malaking matanggap kahapon, eh, dahil akala ko may ibibigay na bonus ang Malacañang. Kaso kinulit ng media, nagtatanong ‘yung media saan daw ang source, saan galing (ang pondo), hanggang sa sige lang tayo hintay, walang dumating,” sabi ni Dela Rosa nang dumalo sa Assumption to Office ng kanyang Mistah sa PMA Class ‘86 na si Chief Supt. Amador Corpos bilang bagong hepe ng PNP Logistics Support Service (LSS).

PALIT-BIGAS

Eleksyon

Mayor Honey Lacuna, inisyuhan din ng show-cause order dahil sa umano’y vote-buying, ASR

“Sabi ng Malacañang, sige hintay lang kayo, maghanap pa kami ng pera. Baka sa kuwan na, baka bago mag-New Year bigyan ko kayo ng tig-isang sako ng bigas,” dagdag pa ni Dela Rosa. “Kung hindi tayo bigyan bago mag-New Year, baka next Christmas na lang tayo maghintay.”

Ilang oras makaraang ihayag ni Dela Rosa ang tungkol sa bonus ay binatikos ng maraming pulis ang administrasyong Duterte sa pamimili ng bibigyan ng bonus sa PNP, sinabing dapat na tumanggap ng bonus ang lahat ng 160,000 pulis, kahit pa maliit na halaga lamang.

Batay sa inihayag ni Dela Rosa sa Christmas Party sa Camp Crame nitong Lunes, P50,000 ang tatanggapin ng mga provincial director habang P400,000 naman ang para sa kanya, idinagdag na hindi kayang bigyan ng bonus ang lahat ng pulis.

“Dapat ay hindi na ginagawan pa ito ng isyu kasi hindi naman galing ang pondo sa droga at lalong hindi galing sa katiwalian,” ani Dela Rosa. “Mabuti pa pala hindi ko na ito inianunsiyo nang hindi na nagkaisyu pa.”

Kinumpirma naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang pagkansela sa nasabing cash gift para sa mga opisyal ng PNP.

“It has not been given and is apparently not forthcoming,” sinabi ni Abella kahapon.

MURDER KAYSA KURAPSIYON

Sa nasabi ring pagtitipon sa Camp Crame, binigyang-diin ni Dela Rosa na handa siyang makulong kaugnay ng kabi-kabilang patayan sa kampanya kontra droga, dahil mas gusto pa niyang mapiit sa murder kaysa kurapsiyon.

Ito ay makaraan niyang ihabilin kay Corpus ang LSS.

“Mas gusto ko pang makulong sa murder kaysa pangungurakot. Siguraduhin n’yo rito sa LSS na hindi ako madamay kung may gawin kayong kababalaghan,” sabi ni Dela Rosa.

“Mamaya after ng… kung kailan patapos na [ako] sa serbisyo tsaka pa masangkot [sa kurapsiyon]. Kung kailan nag-four-star, tsaka ka ma-charge ng corruption. Nakakahiya, ‘di ba?” (BETH CAMIA at FER TABOY)