Nasa balag ng alanganin ngayon ang isang bagitong pulis matapos mahagip ng closed-circuit television (CCTV) camera ang walang-habas nitong pagpapaputok ng baril sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nakikipag-ugnayan na ang tanggapan ng General Assignment and Investigation Section (GAIS) ng Manila Police District (MPD) sa Pasig City Police, na sakop ng Eastern Police District (EPD), para sa pag-aresto kay PO1 Ronel Pantig, nasa hustong gulang, ng 1376 A. Rivera Street, Tondo, Maynila.
Sa ulat ng MPD-Station 2, dakong 1:52 ng madaling araw nangyari ang insidente sa A. Rivera St., kanto ng La Torre Street, Tondo, sakop ng Barangay 245, Zone 22, District 2.
Sa kuha ng CCTV camera sa lugar, kitang-kita si Pantig, kasama ang isang babae, na sakay sa motorsiklo at bumunot ng baril saka sunud-sunod na nagpaputok sa lugar.
Dahil dito’y nagreklamo si Anthony Tan, 25, ng 1120 La Torre St., Tondo, matapos tamaan ng bala ang pader ng kanyang bahay, tumagos sa kanilang electric fan, saka muling tumagos sa pinto.
Nakumpiska ang pitong piraso ng basyo ng kalibre .9mm. (MARY ANN SANTIAGO)