Dahil sa inaasahang “exodus” ng mga bibiyahe sa mga probinsiya para roon magdiwang ng Pasko at ng Bagong Taon, sinuspinde ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP), o number coding scheme, ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Metro Manila ngayong Christmas season simula sa Disyembre 23.

Ayon sa pahayag kahapon ng I-ACT, suspendido ang number coding scheme sa Metro Manila sa Disyembre 23 at 29 upang malayang magamit ng mga motorista ang kani-kanilang sasakyan pauwi sa mga probinsiya.

Ibig sabihin, libre sa panghuhuli at multa ang mga motorista sa nasabing mga petsa.

Una nang inihayag ng MMDA na awtomatikong suspendido ang number coding sa Metro Manila sa Disyembre 26 (special non-working holiday), Disyembre 30 (Rizal Day), at Enero 2 (special non-working holiday).

Sen. Bong Go, binalikan payo sa kaniya ni FPRRD

Bukod dito, suspendido rin ang UVVRP sa mga provincial bus sa Disyembre 23 at 29, gayundin sa Enero 2, 2017.

Nabatid din na ilang araw na lang bago ang Pasko ay fully booked na o nagkakaubusan na ng mga ticket sa Araneta Bus Terminal sa Cubao, Quezon City.

Nagsimula na ring dumagsa ang libu-libong pasahero sa mga pantalan sa bansa para magsiuwian sa mga lalawigan.

Sa monitoring ng Philippine Coast Guard (PCG), sapul 12:00 ng hatinggabi kahapon ay umabot na sa 38,347 ang na-monitor nilang pasahero sa lahat ng pantalan sa bansa, at inaasahang dadami pa ito sa mga susunod na araw.

(Bella Gamotea at Beth Camia)